7-day hunger strike ng political prisoners

Sisimulan ngayong araw ng 402 political pri­soners ang pitong araw na hunger strike bilang protesta sa anila’y hindi seryosong pagpapalaya sa kanila ng Duterte a­dministration.

Ayon sa grupong KARAPATAN Alliance for the Advancement of People’s Right, magtatayo rin sila ngayong araw ng ‘Peace Tent’ sa Don Chino Bridge sa Mendiola, Manila bilang pakikisimpatya sa hunger strike ng mga bilanggong pulitikal.

Ani Christina Palabay, secretary general ng Karapatan, ang itatayo nilang peace tent sa Mendiola ay magtatagal hanggang sa mismong araw ng selebrasyon ng International Human Rights Day sa December 10.

Kakalampagin din ng grupo ang Duterte administration hinggil sa hindi umano seryosong pagpapalaya sa mga political prisoners na dapat ay paksa sa sinasabing peace talk ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Binatikos din ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pag-isnab sa mga bilanggong pulitikal.

“Ilan pang political prisoner ang kailangang magbuwis ng buhay at mangamatay. Sana hindi binawian ng buhay ang ating kasamang si Berna­be Ocasla kung kumilos lang agad ang gobyerno para palayain sila,” giit ng Bayan.

Si Ocasla ay na-stroke habang nasa Manila City Jail at na-comatose sa Jose Reyes Memorial Hospital bago nalagutan ng hininga kamakailan.

Ayon sa Bayan, si Ocasla ay pangalawa ng political prisoner na namatay ngayong taon sumunod kay NDF consultant na si Ed Serrano na namatay sa kulungan noong January 2016.

The post 7-day hunger strike ng political prisoners appeared first on Abante News Online.

national,news,bayan,christina palabay,duterte,karapatan alliance,manila

Fuente: ABANTE