Kung hindi si Bong Go, sino si Pare?

Mariing itinanggi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na si Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go ang kanyang tinutukoy na kumpareng tumawag sa kanya mula sa Malacañang para maibalik muli sa puwesto si CIDG Region 8 director Supt. Marvin Marcos.

Sinalubong naman ito ng hamon ni Sen. Leila de Lima na kung hindi si Bong Go ay sino itong “pare” na ito na mas mataas ang posisyon sa kanya (Dela Rosa).

Pero matigas rin ang pagtanggi ni Dela Rosa.

Sa halip, ibinalik din ang hamon kay De Lima na banggitin ang source nito na nagpangalan kay Bong Go bago aminin kung sino ang tumawag sa kanya na kanyang kumpare.

“Sabihin n’ya (De Lima) sino ang nagsabi sa kanya bago ko naman sabihin kung sino ang kumpare kong sinasabi,” giit ng hepe ng PNP.

Ngunit gaya ni Dela Rosa, hindi rin mapipiga si De Lima.

“That information was given to me in confidence. I cannot breach the confidence accorded me by my source,” ayon kay De Lima.

“The duty to disclose belongs to him, and not to me, since he was the one who revealed the giving of the order,” dagdag pa nito.

Pinaratangan naman ng Malacañang si De Lima na nanggugulo lang sa walang batayang akusasyon kay Go. Pero kailangan ding malinawan kung sino talaga ang tumawag kay Dela Rosa at nagpa-reinstate kay Marcos na sinibak sa puwesto matapos pangalanan ni suspected drug lord Kerwin Espinosa na kabilang sa mga ‘narco cops’.

“Alamin natin ho muna kung sino si kumpare kasi malaking bagay iyan na kailangang malaman ng publiko,” sabi pa ni Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary for Operations and Special Concerns Ana Marie Banaag.

The post Kung hindi si Bong Go, sino si Pare? appeared first on Abante News Online.

national,news,ana marie banaag,christopher 'bong' go,general ronald ‘bato’ dela rosa,pco,pnp,sen. leila de lima

Fuente: ABANTE