Baka ‘labor alert’ hindi terror?

Sablay na naman para sa mga manggagawa ang prayoridad ng Duterte administration at Phi­lippine National Police (PNP). Sa halip umano na itaas ang Terror Alert 3 sa seguridad sa bansa, dapat unahing alertuhin ang mga korporasyon at industriya hinggil sa pagkaudlot ng 13th month pay ng mga manggagawa.

Ayon sa grupong Partido ng Manggagawa (PM), tila nakatuon na lamang ang focus ng gobyerno sa patayan at kampanya ng PNP sa illegal drugs – habang ang mga manggagawa ay halos hindi na mabigyan ng importansya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Mas malaking peligro ang abusadong employers kaysa terror groups. Number 1 on the labor alert list are employers who plan to steal the 13th month pay of their workers. Ma­ging alerto din po sana tayo sa mga mandurugas ngayong Kapaskuhan. Sa mga employers na hindi nagbibigay ng bonus at 13th month pay,” giit ni Wilson Fortaleza, secretary general ng PM.

May patama rin ang grupo kay Labor Secretary Silvestre Bello sa anila’y hindi naman seryosong kampanya para wakasan ang contractualization sa hanay ng paggawa.

“Dapat tayong mag-ingat din sa mga pwersahang nagpapatrabaho pero hindi o kulang naman ang ibinibigay na overtime at holiday pay. Sa hindi nagpapatupad ng settlement agreement. At sa magpapalabas ng bagong department order na win-win ang laman sa halip na end endo,” anang grupo.

Giit naman ni dating Congressman Rene Magtubo, national chairman ng PM, mas prayoridad sana ng Duterte admi­nistration ang pagbibigay ng kakarampot na kasiyahan sa mga manggagawa ngayong Kapaskuhan lalo’t lahat ng mga manggagawa ay laging nakadepende ang handang Noche Buena sa kanilang matatanggap na 13th month pay.

Hinggil naman sa pagsasailalim sa buong bansa sa Terror Alert Level 3, kinuwestyon ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat kung ano ba talaga ang totoong sitwasyon dahil magkaiba ang pahayag ukol dito ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

“PNP goes to terror alert 3 but AFP says no need to raise level threat. Ano ba talaga Confusion could stir more fear,” ani Baguilat na miyembro ng Legitimate Minority bloc sa Kamara.

The post Baka ‘labor alert’ hindi terror? appeared first on Abante News Online.

national,news,afp,congressman rene magtubo,pangulong rodrigo duterte,partido ng manggagawa,pnp,secretary silvestre bello

Fuente: ABANTE