“POPOGOTAN KA NAMEN!”

ZAMBOANGA CITY — Nagbanta diumano ang Maute jiha­dist group na pupugutan nito ng ulo si Pangulong Rod­rigo Duterte at ito ay base sa natagpuang mensahe na diumano isinulat sa isang blackboard sa bayan ng Butig sa Lanao del Sur, isa sa 5 lalawigan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Maging ang mga sundalo ay kabilang sa banta na iniwan ng tinatayang 200 jihadists sa pangu­nguna ni Abdullah Maute. Nakatakas ang mga jihadist sa kabila ng libu-libong sundalo na ipinadala sa Butig upang mabawi ang bayan mula sa pagkakabihag nito ng Maute group.

Natagpuan ang mensaheng: “TAGOT/Homanda ka Duterte popogotan/namen ikaw nang olo. Humanda kayong mga sondaro/popogotan namen kayo ng mga olo.”

Sinasabing suportado ng maraming Muslim sa lalawigan ang nasabing grupo.

Hindi naman agad makumpirma kung talagang isinulat ito ng naturang grupo dahil bihasa naman sa wikang Pilipino at Ingles ang karamihan sa mga ito. May mga nagdududa na maaa­ring propaganda rin ito upang bigyan ng dahilan si Duterte na suspendehin ang writ of habeas corpus na siyang magagamit ng mga awtoridad na habaan ang paghawak sa mga nadakip na terror suspect.

Walang pahayag na inilabas ang Maute group ukol sa pagtakas nito mula sa Butig. Iginiit ng militar na napatay nito ang 61 mga jihadist, subalit wala namang maipakitang bangkay ang mga sundalo mali­ban sa intelligence report ukol dito.

Hirap pa rin ang mga tropa na malinis sa nagkalat na pampasabog sa lugar. Wasak naman ang maraming mga kabaha­yan at mosque roon dahil sa tama ng mga bala at bomba na pinakawalan ng militar. Naitaas na rin ang bandila ng bansa sa lumang munisipyo na kung saan ay idinisplay ng Maute group ang watawat ng Islamic state doon.

Natagpuan din sa ba­yan ang maraming mga fox holes na ginamit ng mga jihadist sa kanilang isang linggong pakikipag­laban sa militar.

Bilang reaksyon, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla Jr. sa isang press briefing sa Malacañang, na hindi nila binabalewala ang ganitong mga pagbabanta.

“Tulad nga ng sabi ko, itong mga bantang ito kailangan harapin natin. At bilang mga kawal ng inyong ba­yan, ang bawat sundalo po natin ay handang makipagharapan dito sa mga taong ito,” anang heneral.

Dagdag pa ni Padilla, “Huwag n’yo pong binibiro ang ating Armed Forces dahil sa mga bagay na ito, nakita ninyo naman po ang level ng professionalism ng ating kasundaluhan. Gagawin at gagawin namin ang nararapat.”

The post “POPOGOTAN KA NAMEN!” appeared first on Abante News Online.

featured,national,news,abdullah maute,afp,armm,gen. restituto padilla jr.,maute jiha­dist group,pangulong rod­rigo duterte

Fuente: ABANTE